VP Sara sinampahan ng 2nd impeachment
MANILA, Philippines — Sa loob lamang ng tatlong araw ay naghain ang ilang sectoral groups, mga dating kongresista at human right victims ng ikalawang impeachment complaint sa Kamara laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), ibinatay ng 75 complainants ang paghahain ng kanilang impeachment complaint sa “betrayal of public trust.”
Partikular na binanggit sa reklamo ang umano’y maling paggamit ni Duterte sa P612.5 milyong confidential funds sa ilalim ng Office of the Vice President (OVP) at ng Department of Education (DepEd) sa kanyang termino bilang kalihim ng departamento.
Tinukoy din nito ang “systematic cover-up” ng fund misuse sa pamamagitan ng umano’y maanomalyang mga dokumento na isinumite sa Commission on Audit (COA) at umano’y “deliberate obstruction” ng congressional investigation at oversight.
Inakusahan naman ni Bayan chairperson Teddy Casiño si Duterte nang pagsira sa tiwalang ibinigay sa kanya bilang second top official ng bansa.
Ang impeachment complaint ay inendorso ng mga miyembro ng Makabayan bloc, sina ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas, at Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel.
- Latest