Operasyon ng LRT-1, LRT-2 at MRT-3 hirit na gawing hanggang 12-midnight
MANILA, Philippines — Hinikayat kahapon ng isang mambabatas ang Department of Transportation (DOTr) na palawigin hanggang hatinggabi ang operating hours ng Light Rail Transit (LRT)1, LRT2 at Metro Rail Transit (MRT)3.
Ayon kay Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña layunin ng pagpapalawig sa oras ng biyahe sa LRT-1, LRT-2 at MRT-3 ay upang pang maibsan ang kalbaryo ng daang libong mga commuters lalo na ngayong darating na Kapaskuhan.
Paliwanag ni Cendaña, hindi sapat ang mass transit lines para maserbisyuhan ang mga commuters kabilang ang mga nasa Business Processing Office (BPO) at mga night shift na mangagawa sa Metro Manila.
Bukod dito, ayon sa solon ay magpapasko na kung saan marami ang nagkukumahog sa pagbili ng kanilang mga panregalo at iba pa kaya dapat mula sa kasalukuyang hanggang ala-10:30 ng gabi ay gawin ng hanggang alas-12 ng hatinggabi ang operasyon ng LRT-1, LRT-2 at MRT -3.
“Malaking kaginhawaan para sa libu-libo nating night shift and BPO workers kung i-extend natin ang operating hours ng MRT-3 and LRT lines. It’s one way the government can alleviate the unpleasant experience ng pag-commute sa Metro Manila,” ani Cendaña.
Sa kasalukuyan ang LRT1, LRT2 at MRT 3 ang tanging rail lines na nag-o-operate sa Metro Manila na nagseserbisyo sa tinatayang nasa 323,000 pasahero sa LRT1, 140,000 sa LRT2 at 357,000 sa MRT3 kada araw. Samantalang patuloy pa ang konstruksiyon ng mass transit lines ng MRT 7 at Metro Manila Subway line.
Dapat din aniyang magdagdag ng mga roving security personnel ang LRT Lines at MRT 3 para maging ligtas ang mga commuters na bumibiyahe sa dis-oras ng gabi.
- Latest