Banta ni VP Sara laman ng balita sa buong mundo
MANILA, Philippines — Laman halos lahat ng telebisyon, dyaryo, at online news sa buong mundo ang banta ni Vice President Sara Duterte na pinapapatay nito sa isang “hitman” si Pangulong Marcos at asawa nitong si Liza, at Speaker Martin Romualdez kung sakali na siya ay papatayin.
Ilan sa mga kilalang news organization na binalita ang pagbanta ni VP laban kay PBBM ay ang CNN, Bloomberg, Reuters, Associated Press ng Amerika, Agence France Presse ng France, ABS, CBS, Fox News, Straight Times ng Singapore, Nikkei TV ng Japan at ilan pang tv at diyaryo sa Middle East at Europe.
Inilabas ng mga tv at inilathala naman ng mga online news ang mga pahayag ni Duterte sa isang press conference ng madaling araw habang nasa loob ng opisina ng kanyang kapatid na si Cong. Paolo Duterte sa House of Representatives.
Ayon sa batas, ang sinumang magbanta sa buhay ng Pangulo at ang pamilya nito ay maaaring makulong.
Sinabi naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin na itinimbre na niya sa Presidential Security Group (PSG) ang mga pahayag ng VP at bahala na silang umaksyon.
Ayon pa rin sa report ng international media, nakikipag-ugnayan na umano ang PSG sa Philippine National Police at National Bureau of Investigation para sa kaukulang aksyon.
Nangako rin ang Armed Forces of the Philippines sa pamamagitan ng hepe nito na si Gen. Romeo Brawner na mananatili itong nasa gitna lang at patuloy nitong susundin ang civilian authority sa pangunguna ni Pangulong Marcos bilang Commander-in-Chief nila.
- Latest