Mister nanlaban sa motornapper, todas

Ang nasawing biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ay kinilalang si Robin Rodriguez, 38, ng Sta. Felicitas St., Upper 2, Peñafrancia, Barangay Cupang, Antipolo City habang sugatan naman ang isang alyas ‘Delfin,’ 39, matapos na barilin sa paa ng mga salarin nang tangkaing tulungan ang biktima.
STAR/File

MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang factory worker matapos na barilin ng isa sa dalawang suspek na nakamotorsiklo nang manlaban habang tinatangay ang kanyang motorsiklo sa Antipolo City, Rizal, kamakalawa.

Ang nasawing biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ay kinilalang si Robin Rodriguez, 38, ng Sta. Felicitas St., Upper 2, Peñafrancia, Barangay Cupang, Antipolo City habang sugatan naman ang isang alyas ‘Delfin,’ 39, matapos na barilin sa paa ng mga salarin nang tangkaing tulungan ang biktima.

Inaalam pa naman ng mga otoridad ang pagkaka­kilanlan ng mga salarin na ang isa ay inilarawang nakasuot ng bonnet at short pants habang ang isa ay nakasuot ng puting jacket at pulang helmet.

Sa inisyal na ulat ng Antipolo City Police, bago naganap ang krimen, alas-5:50 ng madaling araw malapit sa kanyang tahanan ay papasok na sana ito sa trabaho sakay ng kanyang asul na Honda Click motorcycle nang bigla na lang dumating ang mga suspek, na magkaangkas sa motorsiklo.

Kaagad umanong bumaba ang isa sa mga salarin at tinangkang agawin ang motorsiklo ng biktima.

Pero, nanlaban naman umano ang biktima, sanhi upang pagbabarilin siya ng isa sa mga suspek, na agaran niyang ikinasawi.

Tinangka naman ni Delfin na tulungan ang biktima ngunit maging siya ay binaril sa paa ng mga salarin.

Tumakas ang mga salarin, tangay ang motorsiklo ng biktima, patungo sa direksiyon ng Marcos Highway.

Show comments