Mary Jane Veloso makakauwi na – Pangulong Marcos
MANILA, Philippines — Makakauwi na sa Pilipinas ang Overseas Filipino workers (OFWs) na si Mary Jane Veloso, ang Pinay na nahaharap sa parusang bitay sa Indonesia dahil sa drug trafficking.
Ito ang tiniyak kahapon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos na magkaroon ng kasunduan sa mga otoridad ng Indonesia na ibalik sa Pilipinas si Veloso, na naaresto noong 2010.
“Naaresto noong 2010 sa mga kaso ng drug trafficking at sinentensiyahan ng kamatayan, ang kaso ni Mary Jane ay isang mahaba at mahirap na paglalakbay,” sabi ni Marcos.
“Pagkatapos ng mahigit isang dekada ng diplomasya at konsultasyon sa gobyerno ng Indonesia, nagawa naming ipagpaliban ang kanyang pagbitay nang sapat upang magkaroon ng kasunduan na sa wakas ay maibalik siya sa Pilipinas.”
Pinasalamatan ni Marcos si Indonesian President Prabowo Subianto at ang buong gobyerno ng Indonesia para sa kanilang mabuting kalooban at sinabi na ang kamakailang pag-unlad ay salamin ng pakikipagtulungan ng dalawang bansa sa katarungan at pakikiramay.
“Thank you, Indonesia. We look forward to welcoming Mary Jane home,” ani Pangulong Marcos.
- Latest