Anak, sinaksak ng erpat dahil sa pera, todas
MANILA, Philippines — Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 29-anyos na anak na lalaki nang saksakin ng kanyang ama sa gitna nang mainitang pagtatalo noong araw ng Undas sa Brgy. Sta.Cruz, Rond, Cebu.
Ang nasawi ay kinilalang si Michael na panganay na anak ng amang suspek na si Moises.
Ayon sa ina ng biktima na si Rosalia, alas-7:00 ng umaga noong Biyernes nang magtalo ang mag-ama tungkol sa pera na gagamitin pambayad ng utang.
Nang mas tumindi pa ang tensiyon ay kumuha ng bolo si Michael para sana takutin ang ama na na lalong nagpagalit dito.
Dito na nag-init ang ulo ni Moises at kumuha ng kutsilyo mula sa kabilang kwarto at pinagsasaksak ang anak na sinubukang tumakbo paalis ng bahay,subalit bumulagta ito.
Nagmakaawa si Rosalia sa asawa ngunit maging siya ay sinubukan umanong saksakin ng mister.
Sinubukan pang dalhin sa ospital ang biktima ngunit hindi na ito umabot nang buhay.
Nasa kustodiya na ng pulisya si Moises. Narekober naman ang kutsilyo na ginamit nito sa krimen.
Inihahanda na ang kasong parricide laban sa amang suspek.
- Latest