Bahay ng Chinese trader pinasok ng 6 lalaki, nahuli-cam
MANILA, Philippines — Nilooban ng anim na armadong lalaki ang bahay ng isang negosyanteng Chinese sa isang exclusive subdivision sa Parañaque City na tumangay ng milyong milyong halaga ng pera at alahas, naganap noong Miyerkules ng madaling araw.
Natangay ng mga suspek mula sa biktimang Chinese na sina alyas “Lin” ng P700,000.00; at alyas “Yu” na P280,000.00, bukod pa sa mga alahas na tinatayang halagang P400,000.00.
Nagsagawa ng manhunt operation ang mga otoridad at naaresto ang tatlo sa anim na suspek na kinilalang sina alyas “Brian”, 38; alyas “Jevic”, 29; at alyas “John”, 33; pawang mga driver. Habang tinutugis pa ang tatlo na sina alyas “Ruel “, 40; alyas “Agustin”, 37; at alyas “Ramel”, 40.
Sa ulat, naganap ang panloloob, alas-12:30 ng madaling araw sa bahay na matagpuan sa panulukan ng Matthew St., at Multinational Avenue.
Nakunan ng CCTV ang pangyayari, kung saan makikita na isang lalaki ang nagbukas ng gate, at nakitang papasok ang isang motorsiklo na minamaneho ng isang lalaki kasunod ng isang Sedan.
Dahil umano sa komosyon, isang kapitbahay ang tumawag sa “911” kaya narespondehan ang insidente.
Nahaharap na sa reklamong robbery in band ang mga suspek o paglabag sa Article 296 ng Revised Penal Code.
- Latest