Sunog sumiklab sa Parañaque: 120 pamilya nawalan ng tirahan
MANILA, Philippines — Nasa 120 pamilya ang nawalan ng masisilungan nang sumiklab ang sunog na tumupok sa may 60 kabahayan sa Parañaque City, Biyernes ng hapon.
Nagsimula ang apoy alas-2:30 ng hapon ng Oktubre 25 sa Creekville Compound, Barangay Marcelo Green Village, na idineklarang third alarm ng Bureau of Fire Protection-Parañaque, alas 3:07 ng hapon.
Idineklarang fire out ang sunog alas-5:39 ng hapon, na ayon sa BFP ay naging pahirapan ang pagpasok sa erya dahil iisa lang ang main entrance at puro bakod pa ang dinaanan nila.
Naging mabilis din ang pagkalat ng apoy sa mga katabing bahay dahil pawang gawa sa light materials, ayon kay BFP-Parañaque Operations chief Senior Insp. Mark Tuto.
Wala namang naiulat na nasawi sa sunog.
Mabilis na nakapagbigay ng relief packs at hot meals sa mga evacuees ang lokal na pamahalaan ng Parañaque City sa direktiba ni Mayor Eric Olivarez. Kasalukuyang nananatili ang nasa 78 pamilya sa covered court ng Savvy 25 Village.
- Latest