Proof of life sa dinukot na American vlogger, wala pa - PNP
MANILA, Philippines — “Wala pang proof of life sa dinukot na American vlogger na si Elliot Eastman kamakailan sa Sibuco, Zamboanga del Norte.”
Ito ang tahasang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Police Regional Office 9 (PRO-9) spokesperson PCol. Helen Galvez dahil wala pa rin silang natatanggap na anumang tawag mula sa mga dumukot kay Eastman, 26.
“Wala pa po tayong proof of life at saka wala pang contact from the abductors. Both dito sa Philippines at saka sa US, wala pang natatanggap na ganung communication,” ani Galvez.
Kasal sa isang Filipina si Eastman at limang buwan na sa Zamboanga del Norte. Sinasabing dinukot ng apat na kalalakihang nagpakilalang mga pulis sa bahay ng kanyang mga in-laws ang vlogger.
Nagsanib-puwersa na ang PNP at maging Federal Bureau of Investigation upang hanapin at i-rescue si Eastman.
Sa imbestigasyon, nanlaban at tinangka ni Eastman na tumakas subalit binaril ito sa paa ng isa sa mga kidnappers.
Binisita ng FBI ang misis ni Eastman sa Zamboanga del Norte at maging ang pamilya ni Eastman sa US ay wala ring natatanggap na anumang tawag.
- Latest