Romualdez ibinida ang pag-unlad ng Pinas sa larangan ng siyensa, teknolohiya, inobasyon
MANILA, Philippines — Ibinida ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa international community ang mga nakamit na pagbabago ng Pilipinas sa larangan ng siyensya, teknolohiya at inobasyon sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Sa kaniyang pagharap sa ika-149 Inter-Parliamentary Union (IPU) Assembly sa Geneva, Switzerland nitong Lunes (oras sa Switzerland) inihayag ni Speaker Romualdez ang pagtutulungan ng Pangulo at Kongreso sa pagsusulong ng siyensya, teknolohiya at inobasyon para sa pagpapaunlad ng bansa.
Bilang bahagi ng legislative priority ni Pangulong Marcos, binuo aniya ang National Innovation Council para masiguro na ang inobasyon ay nakapaloob sa mga prayoridad na hakbangin ng bansa para sa pagkamit ng sosyo-ekonomikong pag-unlad.
Ang konseho na pinamumunuan ng Pangulo ay mayroong susunding National Innovation Agenda and Strategy Document. Nilalaman nito ang mga hangarin para sa pangmatagalang mithiin ng Pilipinas pagdating sa inobasyon at ang road map ng mga istratehiya sa kung paano pagbutihin ang innovation governance, pagpapalalim at pagpapabilis sa inobasyon at pagsasama ng public-private partnerships para masigurong walang Pilipino ang maiiwan.
Pagbabahagi pa ng lider ng Kamara na nanguna sa delegasyon ng Pilipinas sa IPU Assembly, nakasuporta ang Kongreso ng Pilipinas sa 2030 Agenda for Sustainable Development, at nakapagpasa ng mga batas para pag-ibayuhin ang innovation governance sa Pilipinas.
- Latest