Habang may naghihirap ‘di maaaring titigil ang ayuda ng pamahalaan - Rep. Tulfo
MANILA, Philippines — “Hindi titigil ang pamahalaan sa pagtulong at pagbibigay ng ayuda habang may mga kababayan tayong patuloy na naghihirap.”
Ito ang sinabi ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo hinggil sa usapin ng ayuda ng pamahalaan nang matanong sa isang radio interview na “hindi kaya tinuturuan ng pamahalaan ang mga mahihirap na maging tamad dahil lagi na lang binibigyan ng ayuda.”
“Hindi po lahat ng tao masuwerte.Meron kahit anong sipag at tiyaga ay malas pa rin dahil marahil hindi nakapagtapos o walang makuhang trabaho,” anang House Deputy Majority leader na si Tulfo.
Dagdag pa ni Cong. Tulfo, maraming ayuda ang pamahalaan gaya ng Tulong Panghanap Buhay para sa mga Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor para sa mga nawalan ng trabaho pansamantala.
At doon sa walang hanapbuhay ay maaring mag-apply ng Sustainable Livelihood Program o SLP ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Medical assistance for indigent persons o MAIP naman ng Department of Health (DOH) para sa mga nagkakasakit na mahihirap na kababayan.
Nariyan ang kilalang Pantawid ng Pamilyang Pilipino Program o 4Ps para sa mga mahihirap na may mga anak na nag-aaral at ang Ayuda para sa Kapos ang Kita (AKAP) ng DSWD.
- Latest