E-bike nagliyab: 5 sugatan, 2 bahay at 2 kotse tupok
MANILA, Philippines — Dahil sa hinihinalang nag-overheat na e-bike, limang kato ang sugatan kabilang ang tatlong bata habang dalawang bahay at dalawang sasakyan pa ang natupok nang sumiklab ang sunog sa Barangay Kanluran, Sta. Rosa City kahapon.
Isinugod sa Sta. Rosa Community Hospital ang mga biktima na sina Shierly Rodriguez, 65; Joseph Rodriguez, 29; at mga batang sina Angelo, 13-anyos; Jomart, 12, at Archie, 11, na kapwa nagtamo ng sugat at paso sa katawan
Ayon sa isang Roby Montenegro, 24, ang kanyang E-bike ay tsina-charge nito sa tapat ng kanilang bahay nitong Huwebes ng alas-11 ng gabi. Matapos ang ilang minuto, lumabas siya sa kanyang kuwarto at nadiskubre na nagliliyab na ang e-bike nito at kumalat na rin ang apoy sa buong harapan ng kanilang bahay.
Dahil dito, mabilis na kinuha ni Montenegro ang kanyang anak na lalaki at dali-daling lumabas sa nasusunog nilang bahay.
Ang kapitbahay na si Shierly ay nagising naman dahil sa sunog na agad na inilabas ng bahay ang natutulog na anak at mga pamangkin.
Nadamay na nasunog ang dalawang kotse na nakahimpil sa garahe ng bahay na nasusunog.
Hinihinala na nag-overcharge ang e-bike sanhi upang magliyab hanggang sa sumiklab ang apoy na mabilis na kumalat sa dalawang kabahayan.
- Latest