6 Cebu-pulis sinibak sa panggugulpi sa criminology student
MANILA, Philippines — Anim na pulis na nakatalaga sa Marigondon, Lapu-Lapu City Cebu ang sinibak kasunod nang panggugulpi sa isang working criminology student.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) PIO Chief PBGen. Jean Fajardo, kabilang sa mga inalis muna sa pwesto ang Station 4 commander na isang police major, chief clerk, desk officer, isang sarhento, isang patrolman at isang imbestigador.
Lumilitaw na nag-ugat ang insidente matapos madawit umano sa pagnanakaw ang biktima sa binabantayan nitong bahay kung saan siya ang nataong caretaker.
Dito inaresto ang biktima at pilit umanong pinaaamin habang sinasaktan sa pamamagitan ng pamamalo ng arnis at pananampal.
Nakiusap at nagpaliwanag umano ang biktima, subalit hindi pinakikinggan ng mga pulis. Itinatanggi ng mga idinadawit na pulis na sinaktan nila ang biktima.
Ngunit ayon kay Fajardo kailangan na alisin sa puwesto ang mga dawit na pulis upang hindi maimpluwensiyahan ang imbestigasyon.
- Latest