Trust rating ni VP Sara bumulusok - survey
Dahil sa ‘di pagsagot sa budget isyu - House leader
MANILA, Philippines — Malaki ang paniniwala ng isang lider ng Kamara de Representantes na malaki ang ibinaba ng trust rating ni Vice President Sara Duterte dahil sa hindi nito umano tuwirang pagsagot sa mga tanong kaugnay ng paggastos ng pondo ng kanyang tanggapan na sinilip ng Commission on Audit (COA).
Ito ang sinabi ni House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose Dalipe matapos lumabas ang resulta ng survey na kinomisyon ng Stratbase Inc. kung saan bumaba ng 16% ang trust rating ni Duterte o mula 45% noong Hulyo ay bumagsak ito sa 29% noong Setyembre.
Batay sa resulta ng survey, sinabi ni Dalipe na nakapagtala ng pinakamalaking pagbaba si Duterte sa Luzon (hindi kasama ang National Capital Region). Mula sa 36% noong Hunyo ay bumaba ito sa 11% noong Setyembre o 25% pagbaba.
Bumaba naman ng 21% ang trust rating ni Duterte sa NCR o naging 13% na lamang mula 34% samantalang sa Visayas ay bumaba ito ng 15% at naging 25% na lamang.
Sa Mindanao ay nakapagtala naman si Duterte ng 4% pagtaas at naging 75%. Ang survey ay mayroong ±3% margin of error.
“Palagay ko, hangga’t hindi satisfactorily naipapaliwanag ni VP Duterte ang mga tanong sa paggamit niya ng pondo ng bayan sa DepEd at sa OVP, magpapatuloy na mawawalan ng tiwala ang mga kababayan natin sa kanya,” sabi ni Dalipe.
“Ang kailangan ng mamamayan ay sagot, hindi palusot,” dagdag pa nito.
Hinimok ni Dalipe si Duterte na sagutin ng direkta ang mga isyung kinakaharap nito.
- Latest