‘Wag matakot sa gastos sa sakit, sagot ka ng PhilHealth! - Ledesma
MANILA, Philippines — “Nananatiling kaagapay ng bawat Pilipino ang PhilHealth sa pagharap sa mga gastusing medical sa panahon ng mga hamon ng kalusugan.”
Ito ang inihayag ni PhilHealth President at CEO Emmanuel Ledesma Jr., kasabay nang ginawang paglulunsad ng PhilHealth ng mas pinalawak at mga bagong benepisyo.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palakasin ang sistema ng kalusugan sa bansa dinagdagan ng PhilHealth ng hanggang 50 porsiyento ang benepisyo sa mga sakit na karaniwang nakakaapekto sa mga Pilipino kabilang dito ang pneumonia, severe dengue, stroke, chronic kidney disease, asthma, sepsis, ischemic heart disease, cataract at hemodialysis.
Bago matapos ang taon ay sakop na din ng PhilHealth benefit ang chemotherapy para sa ilang cancers kabilang ang lung, liver, ovary at prostrate.
Ipinagmalaki ni Ledesma na hanggang 2026 ay nakalatag ang pondo para sa benefit package para mga Pilipino kaya naman walang dahilan para hindi magpakunsulta at magpaconfine.
Ipinagmamalaki rin ng PhilHealth na ang Pilipinas ang kauna-unahang bansa sa Asia Pacific na naglunsad ng isang outpatient therapeutic care package para sa Severe Acute Malnutrition na sinimulan nang ipinatupad noong Oktubre 1, 2024.
Nasa P7,500 halaga ng malnutrition package ang maaaring matanggap ng mga sanggol na edad 0 hanggang 6 buwan gulang habang P17,000 naman sa mga may edad 6 na buwan hanggang 5 taon para labanan ang malnutrisyon sa mga bata at bawasan ang pasaning pinansyal ng mga pamilyang apektado nito.
Inalis na rin ang patakaran sa Single Period of Confinement (SPC) upang matulungan ang mga miyembrong nangangailangan ng tuluy-tuloy na gamutan.
Tataas din ng 59% ang benepisyo para sa hemodialysis mula P4,000 ay magiging P6,350 kada dialysis na simulang mararamdaman ng mga pasyente simula Nobyembre kaya’t aabot na sa halos P1 milyon kada taon ang benepisyo sa bawat dialysis patient na makakatanggap pa rin ng kabuuang 156 dialysis treatment kada taon.
- Latest