Quezon City Mayor Joy at mga kaalyado naghain na ng kandidatura
MANILA, Philippines — Higit na palalakasin ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang mga premyadong programa tulad ng social services, health, education at shelter kapag muling pinalad na maging alkalde ng Quezon City sa darating na May 12 midterm election sa susunod na taon.
Ito ang sinabi ni Mayor Belmonte kasabay nang kanyang paghahain ng certificate of candidacy kahapon pasado ala-1:00 ng hapon sa Amoranto Complex Quezon City para sa muling pagtakbo bilang alkalde ng Quezon City.
Sa tanong ng media kung ano masasabi ni Mayor Belmonte na unbeatable ito at walang lalaban sa kanya, sinabi ni Belmonte na unang araw pa naman ng filing at hindi alam kung talagang walang makakalaban sa pagkamayor.
Kasama rin ni Mayor Joy ang tatay niya na si dating Speaker at dating Mayor Sonny Belmonte, Kit Belmonte at iba pang kapamilya sa kanyang pag-file ng kandidatura.
Kasabay ni Mayor Belmonte na nag-file ng certificate of candidacy si QC Vice Mayor Gian Sotto para sa kanyang re-election bid sa darating na halalan.
Sinabi ni Vice Mayor Sotto na ang mga programang pang pamilya ang prayoridad na ipatutupad kapag nasungkit ulit ang puwesto sa susunod na election.
Kabilang sa mga nag-file ng candidacy sa pagka-konsehal ang mga incumbent city councilors na kaalyado ni Mayor Belmonte ay sina City Councilors Charm Ferrer, TJ Calalay, Bernard Herrera, Gabriel Atayde at Majority floor leader Doray Delarmente mula sa District 1.
Mula sa District 2 ay sina City Councilor Fernando Michael “Mikey” Belmonte at Candy Medina at sa District 3 ay si City Councilor Gelyn Ge Lumbad, Wency Lagumbay at baguhang nais pumasok sa pagkakonsehal sa District 3 na si Chackie Antonio.
Nagsampa rin bilang reelectionist sa District 4 si Councilor Nanette Daza, Irene Belmonte at Egay Yap.
Sa District 5 ay nag-file ng kanyang candidacy sina Councilors Alfred Vargas at Aiko Melendez at artista na si Enzo Pineda na tumatakbo ring konsehal.
Wala pa namang nagsasampa ng kandidatura sa District 6.
- Latest