4 patay nang madaganan ng nabuwal na puno
COTABATO CITY, Philippines — Apat ang nasawi, tatlo sa kanila mga babaeng estudyante ng isang Islamic school, nang mabagsakan ng isang malaking punongkahoy na nabuwal ng malakas na hangin nitong Biyernes sa Barangay Cabsaran sa Malabang, Lanao del Sur.
Ang tatlong mga mag-aaral na mga biktima ay mga estudyante ng Al-Falah Qur’an Learning Centre sa naturang bayan. Sakay ng tricycle ang apat na mga biktima ng masapol ng nabuwal na puno.
Kinumpirma nitong Sabado ng Ministry of Social Services and Development-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MSSD-BARMM) ang insidente na kaagad namang nirespondehan ng mga kawani nito sa Lanao del Sur.
May tatlo pang mga biktimang nadaganan ng mga sanga ng punongkahoy na nabuwal ang naisugod sa pampublikong Serapio Montañer Memorial Hospital sa Malabang, nabigyan na ng inisyal na ayuda ng MSSD-BARMM.
Sa direktiba ng MSSD-BARMM regional office, agad pinaabutan ng mga kawani nito sa probinsya ng ayudang pagkain at iba pang relief supplies ang mga pamilya ng apat na mga nasawi sa insidente.
Tutulungan din sila ng MSSD-BARMM sa pagpalibing ng apat na nasawi sa insidente na agad na ililibing ng kani-kanilang mga pamilya ayon sa tradisyon ng Islam religion.
- Latest