12 baybayin may red tide, pagkain ng shellfish products bawal – BFAR
MANILA, Philippines — Nasa 12 na baybayin sa bansa ang apektado ng red tide kung kaya ipinagbabawal muna ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pagkain ng shellfish products tulad ng tahong, halaan at talaba na mula sa mga apektadong lugar.
Sa naipalabas na shellfish bulletin ng BFAR kahapon, napatunayang mataas sa lason ng red tide ang mga baybayin ng Dumanquillas Bay, Zamboanga del Sur; San Benito, Surigao del Norte; Daram Island, Samar; Zumarraga Island, Samar; Irong-Irong Bay, Samar; Villareal Bay, Samar; Cambatutay Bay, Samar; Maqueda Bay, Samar; Matarinao Bay, Eastern Samar; Cancabato Bay, Leyte; Puerto Bay, Puerto Princesa City, Palawan, at Tungawan, Zamboanga Sibugay.
Nilinawanag ng BFAR na maging ang alamang na mula sa naturang mga lugar ay bawal ding kainin.
Sa kabila nito, sinabi ng BFAR na ligtas namang kainin ang isda, pusit, hipon at alimangao mula sa naturang mga baybayin basta’t linising mabuti bago lutuin at kainin.
Ang mga makakakain ng shellfish products na may lason ng red tide ay maaaring sumakit ang kalamnan at ulo, magsuka at mag-diarrhea na maaaring ikamatay nito.
- Latest