Marina regional director, 1 pa sibak sa tungkulin
Sa paglubog ng MT Princess Empress
MANILA, Philippines — Matapos mapatunayan na nagkaroon ng kapabayaan sa tungkulin, tinanggal sa serbisyo ang isang regional director ng Maritime Industry Authority (Marina) at isang inhinyero, kaugnay sa paglubog ng motor tanker na MT Princess Empress noong 2023, na nagdulot ng oil spill sa Oriental Mindoro at mga karatig-lugar.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, ang dinismis na mga opisyal ay sina Director Jaime Bea at Engr. Jose B. Buban ng Marina Region V.
Sa ipinadalang liham kay Marina Administrator Sonia Malaluan, kinumpirma ni Bautista ang findings ng Marina na sina Bea at Buban ay “guilty” sa grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the best interest of service, na may kaugnayan sa paglubog ng naturang motor tanker.
Ani Bautista, ang aksiyon ng mga naturang opisyal ng Marina ay nagdulot ng milyong pisong pinsala sa pamahalaan at mga private stakeholders at nagresulta rin upang madungisan ang imahe at integridad ng maritime administration at ng transportation system.
Inatasan ni Bautista si Malaluan na ipatupad ang desisyon.
- Latest