BuCor officer, 2 pa tiklo sa P68 milyong shabu
MANILA, Philippines — Isang tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) at dalawa nitong kasama ang naaresto sa isang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at nasamsam ang nasa P68-milyong halaga ng shabu,kamakalawa.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas “Paul”, Corrections Officer 1 (CO1), 30-anyos, nakatalaga sa Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison (NBP);alyas “Reynold”, 34-anyos, security guard, ng Manila; at alyas “Romeo”, truck driver,34-anyos, residente ng Parañaque City.
Sa ulat na nakarating kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr., nadakip ang tatlo sa sa isinagawang buy-bust operation sa Skate Park, Bulungan, Parañaque City.
Nasa 10 kilo ng hinihinalang shabu na may street value na P68,000,000.00, isang pistola na may walong live ammunition, mga identification card, official receipts, dalawang cellphone, dalawang wallet, isang pirasong genuine na P1,000 bill sa ibabaw ng mga bundle ng boodle money na ginamit sa buy-bust at dalawang sasakyan ang nakumpiska. Agad na sinibak sa serbisyo ang tauhan ng BuCor.
- Latest