Salceda, ginawaran ng ‘Dangal award’ ng NDRRMC sa kanyang disaster resilience advocacy
MANILA, Philippines — Ginawaran si Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa kanyang “remarkable dedication” o natatanging dedikasyon at mga inisiyatibo sa larangan ng disaster risk reduction management at adbokasiya para maging matibay ang mga pamayanan laban sa lupit ng nagbabagong panahon.
Iginawad kay Salceda ang “Dangal ng Pilipino sa Pagtataguyod ng Pribado at Pampublikong Katatagan” ni Undersecretary Ariel F. Nepomuceno, pinuno ng Office of Civil Defense (OCD) at executive director ng NDMRRC sa Award Hall of Fame o Bulwagan ng Parangal ng Philippine Disorder Resilience Champions sa pagtatapos ng pagdiriwang ng 36th National Disaster Resilience Month (NDRM) nitong Miyerkules, Hulyo 31 sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Itinatag ng NDRRMC ang ‘Dangal Bantayog ng Katatagan award’ bilang pinakamataas na parangal ng Pilipinas sa mahusay at mabisang pangangasiwa sa pananalasa ng panahon. Layunin nito na kilalanin ang mga natatanging mga ambag ng sinuman na magbibigay ng mabisa at pangmatagalang epekto sa sistema ng DRRM ng bansa.
Tinukoy ng parangal ang mga natatanging mga ambag ni Salceda sa DRRM, kasama ang pagtatag niya ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) at Climate Change Academy sa Albay. “Sa ilalim ng kanyang (Salceda) pamumuno bilang gubernador, tumanggap din ang kanyang lalawigan ng ‘Galing Pook Award for Outstanding Governance Program on Disaster Preparedness’ at ‘Gawad Kalasag Hall of Fame Award for Best Disaster Risk Reduction and Management Council’ sa loob ng magkakasunod na tatlong taon,” pahayag ng parangal.
Kinilala rin sa mundo ang mga natatanging ambag ni Salceda sa DRRM. Pinarangalan siya bilang First Senior Global Champion of Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation ng United Nations International Strategy for Disaster Reduction (UN-ISDR) at kauna-unahang Asianong kagawad ng Board of the Green Climate Fund (GCF).
Bilang gobernador ng Albay sa loob ng siyam (9) na taon, itinalaga niya ang ‘zero-casualty principle,’ na naglalayong lalong pahusayin at patibayin ang kakayanan ng mga pamayanan laban sa banta at pananalasa ng nagbabagong panahon, at makamtan nila ang tuloy-tuloy na pag-unlad.
At bilang mambabatas ng Kamara, marami sa kanyang mga pagsisikap ay itinuon niya sa proteksiyon ng kalikasan at tuloy-tuloy na pagsulong ng bansa, ayon sa parangal. Ang dedikasyon ni Salceda sa pagpapahusay sa kakayanan ng mga pamayanan sa DRRM ay sadyang kahanga-hanga at dapat pamarisan ng iba.
- Latest