9 sangkot sa ‘vishing scam’ ,inaresto

MANILA, Philippines — Inaresto ng PNP Anti-Cybercrime Group sa gitna nang pananalasa ng bagyong Carina at habagat, kamakalawa ng gabi sa Cavite ang siyam na miyembro ng sindikato na sangkot sa “vishing scam”.

Sa ulat ni ACG Acting Director Police Brig. General Ronnie Francis M. Cariaga, nagpatupad ang mga tauhan ng ACG Cyber Response Unit (CRU) ng dalawang Warrants to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD) laban sa pangunahing suspek sa kanyang opisina sa General Trias at bahay sa Trece Martires, Cavite, alas-9:00 ng gabi.

Dito ay naaresto ang babaeng pinaniniwalaang lider ng grupo na si alyas “Apol,” 34, kasama ang 8 iba pang miyembro ng sindikato na aktong nagsasagawa ng scam.

Nabatid na ang modus ng grupo ay tawagan ang mga biktima at magpanggap na empleyado ng mga bangko para makakuha ng impormasyon tungkol sa bank account ng mga ito.

Narekober sa mga suspek ang registered SIM cards, Information and Communication Technology (ICT) devices, at iba’t ibang dokumento na naglalaman ng bank at credit card information.

Nanawagan naman si PBgen. Cariaga sa publiko na ipagbigay-alam sa ACG kung sila ay naging biktima ng ‘vishing scam’, upang agad maaksyunan.

Show comments