Pamilya,6 natabunan ng gumuhong lupa

Mabilis na nasaklolohan…

MANILA, Philippines — Himalang nakaligtas ang anim na miyembro ng isang pamilya matapos ma-trap sa loob ng kanilang nawasak na bahay nang matabunan ng gumuhong lupa sa nangyaring landslide sa Sitio Simona, Brgy. San Isidro, Taytay, Rizal, kamakalawa.

Kinilala ang mga biktimang sina Marlon Tiburcio, 45; kanyang asawang si Mylene Tiburcio, 37, at kanilang mga anak na sina Yamchie, 17; Jamaica, 16; Shanaya, 11; at Ashley, 10; pawang residente ng Sitio Simona, Brgy. San Isidro,Taytay na pawang naka-confine sa Rizal Provincial Hospital System.

Ayon sa Taytay MDRRMO, nasa loob ng kanilang bahay ang magkakapamilya na binubuo ng mag-asawa at apat na mga tinedyer na anak nang gumuho ang mataas na bahagi na lupa sa likuran ng kanilang bahay dakong,alas-3:45 ng hapon.

Ayon sa MDRRMO, lumambot ang lupa dahil sa walang tigil na pag-ulan na naging sanhi ng pagguho nito.

Mabilis na nagsagawa ng rescue operation ang mga rescuer ng MDRRMO, PNP at BFP na agad nakuha ang mga biktima mula sa pagkatabon ng lupa at agad na dinala sa Rizal Provincial Hospital System.

Show comments