Ayuda ni Marcos sa mga magsasaka, mangingisda makapagpapababa ng mga presyo ng pagkain - Romualdez
MANILA, Philippines — Nagbibigay ng direktang tulong-pinansyal sa mga magsasaka at mangingisda sa buong bansa ang programa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez nang sumama ito at mahigit 300 kinatawan kay Pangulong Marcos sa pamimigay ng tulong-pinansyal sa may 10,000 benepisyaryo sa ilalim ng kanyang Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk (PAFF) program.
Isinagawa ang pamamahagi ng tulong sa benepisyaryong residente ng Palawan at kalapit na lalawigan ng Marinduque sa Edward S. Hagedorn Coliseum sa Puerto Princesa City, Palawan na dinaluhan ng mga lokal na opisyal.
Ipinaliwanag ni Speaker Romualdez ang layunin ng pamamahagi ng tulong pinansyal para sa mga magsasaka at mangingisda kasabay ng kanyang pagpapakilala sa Pangulo sa event.
“Kayo po – ang ating mga magsasaka at mangingisda – ang nagpapakain at bumubuhay sa buong bansa. Obligasyon ng ating gobyerno na tiyaking busog din lagi ang inyong mga pamilya at may maliwanag na kinabukasan para sa inyong mga anak,” ang pahayag ni Romualdez.
Tiniyak din ni Speaker Romualdez kay Pangulong Marcos ang patuloy na suporta ng Kamara de Representantes sa kanyang mga makabagong programa upang magpatuloy ang pagtulong sa mga nangangailangang Pilipino.
Kumpiyansa rin si Speaker Romualdez na ang mga ipinatutupad na programa ay makatutulong sa pagtaas ng produksyon ng mga magsasaka at mangingisda na magdudulot din ng pagbaba sa mga produktong inaangkat ng bansa.
- Latest