Sa halagang P25,000 Komadrona arestado sa pagbebenta ng beybi sa FB
MANILA, Philippines — Isang komadrona ang inaresto ng mga otoridad dahil sa pagbebenta ng anim na araw pa lamang na sanggol sa halagang P25,000 sa pamamagitan ng Facebook.
Inihayag kahapon ng Department of Justice (DOJ) na inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation Human Trafficking Division (NBI-HTRAD) ang komadrona sa isang entrapment operation sa Muntinlupa City noong
Hulyo 16.
Ikinasa ang naturang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), DOJ-Inter-Agency Council Against Trafficking, at Cyber-Tip Monitoring Center.
Ito ay matapos makatanggap ng impormasyon ang NBI-HTRAD mula sa Cyber-Tip Monitoring
Center na nagbebenta umano ng sanggol ang in-dibidwal sa social media.
Matapos ang intelligence gathering at verification, nakipag-ugnayan ang isang NBI undercover agent sa babaeng suspek na nagpakilalang midwife.
Napagkasunduan nilang magkita sa Muntinlupa at doon na siya inaresto habang ang sanggol ay iti-turn over sa DSWD.
Sinampahan na rin ng kaso ng DOJ ang suspek sa paglabag sa Section 4(g) RA 9208 na inamyenda ng RA 10364 at RA 11862 na kilala rin bilang “Expanded Anti-Trafficking in Persons and Child Trafficking” sa ilalim ng RA 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act kaugnay ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act.
- Latest