5 ex-DOTC execs guilty sa graft
MANILA, Philippines — Limang dating opisyal ng noo’y Department of Transportation and Communications (DOTC) ang hinatulang guilty ng Sandiganbayan sa kasong graft.
Hinatulan ng anti-graft court ng lima hanggang 10 taong pagkakakulong ang mga dating DOTC director na sina Elmer Soneja, Venancio Santidad, Ildefonso Patdu Jr., Rebecca Cacatian at dating DOTC legal officer Geronimo Quintos.
Hinatulang guilty rin ang isang pribadong mamamayan, ang negosyanteng si Domingo Samuel Jonathan Ng ng Sandiganbayan.
Bukod sa pagkakakulong, pinagbawalan din ang mga nahatulang indibidwal na humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Sinasabing ang limang dating opisyal ng DOTC ay miyembro ng Bids and Awards Committee na nag-apruba sa kuwestiyonableng pagbili ng P6 milyong halaga ng mga cellphone noong 2005.
Ayon sa Sandiganbayan, ang kontrata para sa procurement ay ibinigay sa kumpanya ni Ng kahit walang pagsasagawa ng public bidding.
Natuklasan din ng Commission on Audit (COA) na hindi authorized dealer ng cellphone ang kumpanya ni Ng.
- Latest