2 mangingisda, sugatan sa pagsabog ng bangka malapit sa Bajo de Masinloc
MANILA, Philippines — Dalawang mangingisda ang malubhang nasugatan makaraang sumabog ang makina ng bangkang kanilang pangisda malapit sa Scarborough Shoal sa karagatan na nasasakupan ng Zambales nitong Sabado.
Sa report, sinabi ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, 8 mangingisda ang lulan ng sumabog na bangka may 10 nawtikal na milya ang layo sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc.
Ayon kay Balilo, bunga ng insidente ay lumubog ang nasabing bangka pasado alas-3:00 ng hapon nitong Sabado.
Ang dalawang nasugatan, ayon pa sa opisyal ay mabilis namang isinugod sa pagamutan matapos na magtamo ng 3rd degree burn sa insidente
Sinabi ni Balilo na hinarang ng China Coast Guard (CCG) ang barko ng PCG na patungo sana sa nasabing lugar upang iligtas ang mga Pilipinong mangingisda.
“Nagkaroon pa ng dangerous maneuvers pero eventually, napakiusapan naman na kukunin lang ‘yong mga fishermen,” anang opisyal.
Magugunita na ang Scarborough Shoal ay kinontrol ng China matapos naman ang stand off sa pagitan ng Philippine Navy at CCG noong 2012. - Doris Franche-Borja, Mer Layson
- Latest