Mt. Kanlaon sumabog: Higit 23K katao inilikas
MANILA, Philippines — Inilikas ang nasa 23,622 residente mula sa limang Barangays sa Canlaon City, Negros Oriental matapos ang ‘phreatic explosion’ ng Kanlaon volcano nitong Lunes ng gabi, ayon sa report nitong Martes.
Ito ang ipinarating na report ni Canlaon City, Negros Oriental Mayor Jose Chubasco Cardenas sa Office of Civil Defense (OCD) 7 kaugnay ng assessment sa mga pamilyang apektado ng pagputok ng Mt. Kanlaon.
Ang nasabing bilang ay nasa 40% naman ng kabuuang populasyon ng lungsod na naitala sa 58,822 kung saan sa kasalukuyan ay nasa 155 pamilya ang nanuluyan sa mga evacuation centers.
Nakatakda namang magpulong ang city council para sa pagdedeklara ng state of calamity para magamit nito ang pondo ng lokal na pamahalaan sa disaster response.
Samantalang, minobilisa na rin ng Army’s 3rd Infantry Division ang lahat ng Disaster Response Task Units (DRTUs) nito sa Negros Island na nasa high alert status para sa humanitarian assistance and disaster resilience operations (HADRO).
“The 3ID, through its Infantry Brigades and Battalions, including all Reserve Units, in Negros, quickly transitioned to a state of heightened alert and mobilized its troops and essential assets to aid affected communities in the vicinity of Mt. Kanlaon”, pahayag ni Army’s 3rd Infantry Division (ID) Commander Major Gen. Marion Sison sa deployment ng mga sundalo.
Idinagdag pa ng heneral na ipagpapatuloy ng 3rd ID ang pagmomonitor sa sitwasyon at handa silang magresponde sa lahat ng oras kaugnay ng humanitarian assistance and disaster response operations para sa lahat ng mga Negrense hanggang bumalik sa normal ang sitwasyon sa lugar.
- Latest