Taas-baba sa presyo ng petrolyo arangkada ngayong araw
MANILA, Philippines — Sasalubong ngayong araw ang magkahalong price adjustment ng mga produktong petrolyo kasunod nang anunsyo ng major at independent oil companies kahapon.
Ang mga miyembro ng Philippine Institute of Petroleum (PIP), kabilang ang Petron Corporation, Pilipinas Shell, Chevron Philippines, PTT Philippines at Total Philippines ay nag-anunsyo ng pagtaas ng presyo ng kanilang mga produktong diesel ng P.60 kada litro at bawas sa presyo ng P0.90 kada litro sa mga produktong gasolina na epektibo sa alas-6:01 ng umaga ng Martes.
Ang mga malalaking kumpanya ng langis, maliban sa Total at PTT na walang produktong kerosene, ay magtataas din ng presyo ng kanilang produktong kerosene ng P.80 kada litro sa ganap na alas-6:01 ng umaga.
Ang mga independent oil players naman na hindi rin nagbebenta ng kerosene tulad ng Petro Gazz, Unioil Philippines, Phoenix Petroleum, Jetti Petroleum at Eastern Petroleum, ay magpapatupad din ng parehong rollback ng mga presyo ng kanilang mga produktong gasolina at ang parehong pagtaas sa presyo ng mga produktong diesel alas-6:01 ng umaga ng Martes habang ang Clean Fuel ay ipapatupad nang mas maaga o alas-12:01 ng madaling araw.
Sinabi ni PTT Media Relations Officer Jay Julian na ang pagbaba ng halaga ng piso laban sa US dollars, ang inaasahang pagbabawas ng produksyon ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC), at ang pagtaas ng demand para sa diesel sa ilang bansa ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng diesel habang ang matatag na imbentaryo ng Estados Unidos ay nagpababa ng presyo para sa gasoline.
- Latest