2 ‘drug dealer’ timbog sa P1.5 milyong shabu sa Quezon City
MANILA, Philippines — Dalawang hinihinalang drug dealer ang naaresto sa ikinasang magkahiwalay na buy-bust operation ng mga operatiba ng Quezon City Police District-District Drug Enforcement Unit (QCPD-DDEU) sa lungsod.
Ayon kay QCPD director PBGen. Redrico Maranan, ang mga suspek na sina Nabil Kareem Solaiman, 29, at Noraisa Gapor, 43, ay nasa kustodya na ng QCPD-DDEU sa pamumuno ni PMaj Wennie Ann Cale.
Isang pulis ang nakipagtransakyson kay Solaiman at nang magpositibo ang drug deal ay dinakip ang huli dakong alas-7 ng umaga kahapon sa Teachers Village East Park, Brgy. Teachers Village East.
Nakumpiska kay Solaiman ang 100 grams ng shabu na may halagang P680,000, isang cellphone, isang itim na sling bag at marked money.
Samantala, bandang alas-8 ng gabi nitong Huwebes nang masakote rin si Gapor.
Isa ring pulis ang nagsilbing buyer at nakabili sa suspek ng P30,000 halaga ng shabu sa IBP Road Everlasting, Brgy. Payatas. Nakumpiska sa suspek ang may P850,000 na halaga ng shabu, cellular phone at buy-bust money.
- Latest