Lider ng Manibela, 2 pa kinasuhan!
Sa illegal assembly, magulong rally
MANILA, Philippines — Patung-patong na kaso ang isinampa ng Quezon City Police District (QCPD) laban sa lider ng transport group na Manibela at dalawa pang kasamahan bunsod ng mga paglabag sa isinagawang protest rally laban sa PUV Modernization Program ng pamahalaan noong Mayo 6.
Mga kasong paglabag sa B.P. 880 (Public Assembly Act of 1985), Article 155 ng Revised Penal Code (Alarm and Scandal), at Article 151 ng RPC (Resistance and Disobedience) ang isinampa laban kina Manibela Chairman Mario Valbuena, at mga kagrupong sina Reggie Manlapig at Alvin Reyes sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Ayon kay QCPD Batasan Police Station chief PLt. Col Roldante Sarmiento, nagsagawa ng protest rally ang Manibela sa pangunguna ni Valbuena na nilahukan ng nasa 500 protester na tutol sa PUV phase-out program ng pamahalaan.
Sinabi ni Sarmiento na ang transport strike ng Manibela ay naging dahilan ng pagsisikip ng daloy ng mga sasakyan at abala sa mga commuter.
Dagdag pa ni Sarmiento, bigo rin ang grupong Manibela na magpakita ng kanilang permit mula sa QC local government para sa kanilang transport strike. Maituturing aniyang “illegal assembly” ang protest rally ng grupong Manibela noong Mayo 6 na nagdulot ng kaguluhan.
- Latest