472 pulis sa Metro Manila, sinibak sa serbisyo
MANILA, Philippines — Inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na umaabot sa 472 pulis sa Metro Manila ang nasisibak sa serbisyo sa tuluy- tuloy na pagpapatupad ng internal cleansing.
Sa pulong balitaan sa Camp Karingal, sinabi ni NCRPO chief PMaj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., na indikasyon ito ng kanilang pinaigting na kampanya upang mapanatili ang integridad at professionalism ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay Nartatez, una sa mga natanggal sa serbisyo, 12 ang may kaugnayan sa iligal na droga.
May mga pulis din na may kasong AWOL o absent without official leave dahil sa hindi pagpasok ng 30 araw hanggang dalawang taon habang nasa higit 700 kaso rin ng mga pulis sa NCR ang nasuspinde o na-demote sa serbisyo.
“We also have a total of 1,226 personnel who are facing administrative cases. I have already given instruction for the fast resolution of the case but without sacrificing the due process,” ani Nartatez.
Sa kabuuan, nasa 2,500 na kasong may kaugnayan sa pulis ang naresolba na rin ng NCRPO kung saan kalahati rito ay absuwelto.
- Latest