Bicol Loco Festival, malaking tagumpay sa turismo - solon
MANILA, Philippines — Isang malaking tagumpay sa turismo ng Pilipinas ang katatapos lamang na Bicol Loco, ang kauna-unahang hot air balloon at music festival sa rehiyon na dinaluhan ng 165,000 attendees sa Old Legazpi Airport nitong weekend.
Ito ang inihayag kahapon ni Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, na siyang namahala sa festival, na walang katulad ang ginanap na Bicol Loco na naglalayong ipakita ang kagandahan ng Bicol region, na tahanan ng sikat na Bulkang Mayon.
“Nakatuon kami sa pagpapakita ng kagandahan ng Bicol sa buong mundo. Ang aking plano ay mailagay ang Bicol sa world tourism map. Kailangan malaman ng buong mundo kung gaano kaganda ang Bicol. Unang-una na d’yan ang Bulkang Mayon,” aniya.
“Gusto naming ibahagi sa buong mundo ang likas na kagandahan ng Bicol. Alam kong kaya natin maging premier tourist destination. At ito’y lilikha ng maraming trabaho. Ang mga tanawin sa Bicol ay instagrammable, masigla ang ating kultura, at mainit ang ating pakikitungo sa iba.
Nais kong maging “must-visit” ang Bicol sa global tourism stage,” dagdag pa ni Co. Sa loob ng tatlong araw na selebrasyon, nabigyan ang mga dumalo ng iba’t ibang karanasan kabilang ang adventure, musika, at ang pagkakataong manalo ng mga premyo sa raffle na kinabibilangan ng apat na unit ng bahay at lupa na nagkakahalaga ng P1.5 milyon bawat isa.
Samantala, naging highlight ng festival ang raffle draw. Ang masusuwerteng nanalo ay umuwi bitbit ang mga inaasam-asam na premyo, mula sa real estate hanggang sa mga motorsiklo, electronics at cash.
- Latest