Old school calendar posibleng ilarga sa susunod na taon
MANILA, Philippines — Inaasahang maibabalik sa susunod na taon ang dating school calendar o pasukan ng mga estudyante sa buwan ng Hunyo.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hiningi na niya kay Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte-Carpio ang kongkretong plano para maibalik ang dating schedule ng pasukan na Hunyo at matatapos sa Abril.
Sinabi ng Presidente na wala naman siyang nakikitang pagtutol sa planong ibalik ang dating school calendar dahil sa kasalukuyang sitwasyon, kung hindi kanselado ang klase ay nagpapatupad ng online class dahil sa matinding init ng panahon.
Sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na sa tuwing makikinig at manonood siya ng balita ay kanselasyon o kaya ay naipapagpaliban ang pag-aaral ng mga bata dahil sa epekto ng El Niño kaya kailangan na aniyang maibalik ang dating schedule ng pasukan dahil mas mainam ito para sa mga bata.
Dahil sa napakataas na nararanasang heat index sa bansa dulot ng epekto ng El Niño phenomenon, napipilitang magkansela ng klase ang DepEd dahil mahihirapan ang mga estudyante at sa halip ay online class ang paraan sa pag-aaral ng mga estudyante sa elementarya at high school.
- Latest