3-araw na tigil-pasada arangkada na
MANILA, Philippines — Ngayong araw ang simula ng tatlong araw na nationwide strike ng ilang transport upang tutulan ang nalalapit nang pagtatapos ng April 30 franchise consolidation deadline ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na isinusulong ng pamahalaan.
Ayon kay Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytors Nationwide (Piston) Deputy Secretary General Ruben Baylon, magtatapos ang kanilang kilos-protesta sa Mayo 1, Araw ng Paggawa.
Inaasahan aniyang sa Metro Manila pa lamang ay aabot na sa 100,000 indibidwal ang lalahok sa protesta.
Giit ng grupo, napipintong mawalan ng kabuhayan ang mga driver at operators dahil sa consolidation deadline na ipinapatupad ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaya’t nais nilang ipakipaglaban ang kanilang mga karapatan.
Target na iparalisa ng grupo ang ilang public transportation sa ilang lugar, partikular ang ilang lansangan sa National Capital Region (NCR), kabilang ang Alabang, Baclaran, Sucat, Taft Avenue, Agoncillo, Monumento, Novaliches, Litex, Anonas, Project 2 at 3, Quezon City, Katipunan at Philcoa.
Kabilang din sa mga lalahok ang Manibela, at labor groups, na Kilusang Mayo Uno (KMU) dahil apektado rin umano ang mga commuters na karamihan ay mga manggagawa.
- Latest