Lumalaking agwat sa farm gate at retail prices ng basic goods, tatalupan sa Kamara
MANILA, Philippines — Nakatakdang imbestigahan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez kung bakit tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin kahit na hindi naman nagbago ang farm gate price ng mga ito.
Aatasan nito si Quezon Rep. Mark Enverga, ang chairperson ng House Committee on Agriculture and Food, na agad magsagawa ng imbestigasyon sa pagbubukas ng sesyon sa susunod na linggo.
Noong Martes, nakipagpulong si Romualdez at House Deputy Majority Leader at ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa mga kinatawan ng producer, retailer at grocery store kaugnay ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa pagpupulong sinabi ni Jayson Cainglet ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na walang naging pagbabago sa farm gate price ng bigas, manok, baboy at maging sibuyas sa nakalipas na tatlong buwan na siyang magtutulak sa pagtaas ng presyo sa mga pamilihan.
Hinimok ni Romualdez ang mga stakeholder na lumahok sa talakayan upang makabuo ng polisiya na makapagbibigay ng proteksyon sa mga konsumer laban sa profiteering.
“At the end of the day, we want to make sure that all the stakeholders in whatever industry or sectors are viable, if they are in the business side of it, so that it becomes sustainable so that we can continue delivering basic goods and services to the consumers at sustainable, affordable prices,” sabi pa ni Romualdez.
Samantala, tiniyak ni Romualdez na magpapatuloy ang pagsuporta ng Kamara de Representantes sa mga ahensya ng gobyerno sa pagpapatupad ng mga programa upang mabawasan ang epekto ng mataas na presyo ng bilihin sa mga mahihirap na pamilya.
Ayon kay Romualdez, kasama sa mga programang ito ang Cash and Rice Assistance program, Assistance to Individuals in Crisis Program at Ayuda para sa Kapos ang Kita Program.
- Latest