Bantag, nakalusot uli sa NBI raid!
MANILA, Philippines — Nakatakas ang tila mala-Palos na si dating Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag sa mga ahente ng National Bureau of Investigation-Cordillera Administrative Region (NBI-Cordillera) sa isinagawang raid sa hinihinalang pinagtataguan nito sa Mines View, Baguio City nitong Sabado.
Sa report ni NBI-Cordillera, dakong alas-6 ng umaga nang salakayin ng NBI Agents sa pamumuno ni Assistant Regional Director Daniel Daganzo ang isang gusali na nagsisilbing himpilan ng mga Igorot Warriors International (IWI) sa Mines View ng lungsod.
Bago ito ay nakatanggap ng impormasyon ang NBI-Cordillera na nagtatago dito si Bantag na siya ring tumatayong chairman ng IWI. Ang IWI ang nangunguna sa mga isinasagawang demonstrasyon sa mga kalye at pagtitipon sa Baguio City bilang pagpapakita ng suporta kay Bantag.
Ang dating BuCor chief ay siyang itinuturong mastermind sa pagpatay sa radio broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa, 63 anyos nang mangyari ang krimen. Samantalang dalawa pang inmates ng BuCor na umano’y napag-utusan din sa krimen ang ikinanta si Bantag sa mga imbestigador na pinangakuan umano silang babayaran ng P500,000.
Una nang sinalakay ng mga awtoridad ang dalawang bahay sa Laguna at Marikina City na umano’y pinagtataguan ni Bantag pero nabigo itong maaresto.
Sinasabing si Bantag ay nagpadala na ng surrender feelers sa gobyerno simula pa noong nakalipas na taon kabilang na ang umano’y pagsuko sa isang maimpluwensiyang personalidad na kaalyado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa hilagang Luzon pero hindi ito tinupad ng embattled na dating BuCor Director.
Samantalang napabilis naman ang pagtukoy sa mastermind kasunod ng ipinalabas na karagdagang P5-M reward na ini-anunsyo ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa mga nasa likod ng krimen. Ang kabuuang pabuya sa pamamaslang kay Lapid ay umabot naman sa P6.5 milyon.
Magugunita na noong Oktubre 3, 2022 si Lapid ay pinagbabaril ng-riding-in-tandem na mga armadong salarin sa Brgy. Talon 2, Las Piñas City.
- Latest