Navy chopper bumagsak, 2 piloto todas
MANILA, Philippines — Kapwa patay ang dalawang piloto na isa ay babae matapos bumagsak ang sinasakyan nilang helicopter sa Draga Reclamation Area sa Barangay 57, Cavite City, kahapon ng umaga.
Namatay noon din si Lt. John Kyle Borres, 36, habang namatay sa pagamutan ang co-pilot nito na si Ensign Izzah Leonah Taccad, 27, may-asawa, kapwa miyembro ng Philippine Navy at nakadestino sa Naval Airwing Sangley Point sa Cavite City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang insidente, alas-6:30 ng umaga ay nagsasagawa ang mga ito ng training flight nang magkaroon ng problema ang helicopter.
Kaya mag-emergency landing sana ang mga ito sa bisinidad ng Cavite City Public Market subalit hindi na nakayanan kung kaya tuluyan itong bumulusok at bumagsak sa nasabing lugar.
Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang Philippine Navy upang mabatid ang sanhi ng aksidente. - Ed Amoroso at Arnell Ozaeta
- Latest