2 safehouse ni Bantag sinalakay ng NBI
MANILA, Philippines — Sinalakay kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang safehouse ni dating prisons chief Gerald Bantag, na akusadong nag-utos na patayin ang radio broadcaster na si Percival Mabasa, mas kilala bilang Percy Lapid.
Subalit, nabigo ang mga ahente ng NBI-NCR na makita si Bantag matapos ang ginawang raid sa magkahiwalay na safehouse sa Caloocan at Laguna.
Ayon sa NBI-NCR, isang impormante ang nagbigay ng tip sa kanila na umano’y nasa isang safehouse si Bantag sa Caloocan.
Ngunit nang sila ay magtungo doon, tanging mga caretaker lamang ng bahay ang kanilang naabutan.
Ganito rin ang nangyari kahapon sa isa pang safehouse sa Laguna kung saan walang Bantag na naaresto.
Dahil kapwa bigo na makita si Bantag, nagpaskil na lamang ang mga ahente ng NBI-NCR ng mga posters ni Bantag bilang isang Wanted Person na kung saan nakalagay ang mukha nito at pabuya na P2 milyon.
- Latest