Labi ng bata muntik nakawin, gagawing ‘anting-anting’
Nitso winasak ng Biyernes Santo
MANILA, Philippines — Labis ang kalungkutan ng pamilya ng isang batang inilibing nito lang nakalipas na linggo sa Koronadal City nang ilabas ito sa ginibang sementadong nitso sa loob ng sementeryo ang kanyang mga labi at tinangkang nakawin para gawin umanong “anting-anting” ng mga ‘di kilalang tao nitong Biyernes Santo.
Sa ulat ng Koronadal City Police Office, bagama’t nailabas na ang halos kalahati ng katawan ng bata na namatay sa pneumonia at inilibing nito lang Marso 20, hindi itinuloy ng mga nagtangkang nakawin ito dahil may papalapit sa kanilang kinaroroonan sa Barrio 4 Cemetery sa lungsod kaya sila nagsitakbuhan palayo.
May mga residente ng Koronadal City at sa mga kalapit na bayan sa probinsya ng South Cotabato na may makalumang paniniwala na mabisang anting-anting ang mga tenga at parte ng tuhod ng patay na hindi pa naaagnas na makokolekta ng Biyernes Santo.
Naniniwala ang mga imbestigador ng Koronadal City Police Office na nagresponde sa insidente at mga kamag-anak ng kalilibing lang na bata, kabilang sa kanila ang kanyang lola na si Rossana Sebua, na ganun ang posibleng motibo ng mga nagtangkang nakawin ang bangkay nito.
- Latest