Pinoy scientists at researchers hinaras ng Chinese chopper sa Pag-asa Island
MANILA, Philippines — Hinaras umano ng Chinese helicopter kamakailan ang grupo ng Pinoy scientists at researchers na nagsasagawa ng marine resource assessment sa Pag-asa Island na dahilan para masugatan ang ilan sa mga ito.
Sa video na ipinalabas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) makikita ang People’s Liberation Army Navy helicopter na may tail number 57 na umaaligid sa taas ng Sandy Cay 3 at 4 at patuloy na sinusubaybayan ang ginagawa ng research team ng BFAR kasama ng mga scientist ng UP Institute of Biology, at National Fisheries Research and Development Institute (NFRDI).
Sinasabing pinilit ng helicopter na makalapit sa sand bar na kinaroroonan ng mga researchers.
Sinasabing natakot ang mga researchers nang bumaba ang helicopter nang may 50 talampakan mula sa lupa sa loob ng halos 10 minuto.
Dahil dito, nasugatan ang ilang scientists at BFAR crew dahil sa malakas na hampas ng hangin at debris.
Muntik na ring malunod ang isang BFAR crew na nangangasiwa sa underwater drone dahil hindi siya makaalis sa tubig bunsod ng malakas na hanging dulot ng helicopter pero nasagip naman ito ng kanyang mga kasamahan.
Dahil sa insidente, pinabalik ng mission commander ang research team.
Naganap ang harassment sa parehong araw na binomba ng China Coast Guard vessels ng tubig ang Philippine resupply boat Unaizah May 4 sa rotation and resupply mission sa Ayungin Shoal.
- Latest