Colonel sa ‘sextortion’ kinasuhan sa Ombudsman
MANILA, Philippines — Isang opisyal ng Philippine National Police PNP) na kinuhanan ng video ang kanyang pakikipagtalik sa nakarelasyong babaeng negosyante ang pormal nang sinampahan ng kasong administratibo sa Office of the Ombudsman.
Sa reklamong inihain kahapon ay sinabi ng biktima na dapat managot ang 52-anyos na police colonel sa kasong ‘grave misconduct, gross immorality and prejudicial to the best interest of the service.’
Nabatid na sa ilalim ng Executive Order No. 292 at 2017 Rules on Administrative Cases in the Civil Service, ang grave misconduct ay isang mabigat na pagkakasala at maaaring parusahan ng pagtanggal sa serbisyo, base sa reklamo ng babae.
Nakasaad sa reklamo ng biktima at ng anak niyang babae na natanggap ng Office of the Deputy Ombudsman of the military, inirekord ng colonel ang kaniyang pakikipagtalik upang gamitin sa pangba-blackmail sa biktima.
Nahaharap din sa hiwalay na kaso ang colonel sa Quezon City prosecutor’s office para sa psychological abuse sa ilalim ng Republic Act 9262 o ang Anti-Violence against Women and their Children Law, grave coercion,intriguing against honor and unjust vexation.
Sinampahan din siya ng mga kaso dahil sa paglabag sa mga probisyon ng RA 9995, o ang Anti-Photo and Video Voyeurism Act; RA 11313, ang Safe Spaces Law; RA 10173, na kilala rin bilang Data Privacy Act, at RA 10175, o ang Cybercrime Prevention Law.
Sinabi ng biktima na paulit-ulit niyang sinubukang tapusin ang kaniyang bawal na relasyon sa colonel na nagsimula noong Disyembre 2020, ngunit nagbabala ang huli na ilalantad niya ang kanilang mga sex video.
- Latest