First Lady Liza ginagamit sa pananakot
3 inaresto sa robbery extortion
MANILA, Philippines — Isang nagpapakilalang opisyal ng gobyerno at konektado sa tanggapan ni First Lady Marie Louise Araneta Marcos, at dalawang kasabwat nito ang naaresto sa isinagawang entrapment operation na ikinasa ng Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR) ng Philippine National Police(PNP), sa Pasay City noong Lunes ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Isko”, 48; at mga kasabwat na sina alyas “Joselito”, 46; at alyas “German”, isang Philippine Marines.
Sa ulat, alas-8:00 ng gabi ng Marso 11, 2024 nang ma-entrap ang mga suspek sa isang restaurant sa Bluebay Walk, Metropolitan Park Building, Diosdado Macapagal Blvd., Pasay City.
Nabatid na ang grupo ng suspek ay nagpapakilalang mga opisyal ng gobyerno at konektado sa opisina ng First Lady sa aktibidad nilang manakot sa mga negosyante na kailangang magbigay ng “padulas” at kung hindi ay maipasasara ang negosyo.
Sinabi ni CIDG Director, P/Major Gen Romeo Caramat Jr. na nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng isang biktima laban kay alyas “Isko” na bibigyan niya ng proteksyon ang Emissions testing at Medical business sa LTO kapalit ng hinihingi na P5-milyong “padulas”.
“Si alyas “Isko” ay nag-claim ng impluwensya at direktang koneksyon sa ating First Lady Marie Louise Araneta Marcos, na kung tumanggi ang biktima na ibigay ang hinihinging pera ay ipakakansela niya ang lahat ng kanyang mga transaksyon sa negosyo,” ani Caramat.
Kasabay nito, nanawagan ang CIDG sa publiko na maging alerto at suriin ang pagkakilanlan ng isang tao na katransaksyon.
Ang mga suspek ay nahaharap sa reklamong paglabag sa Article 293 ng Revised Penal Code (Robbery Extortion) sa Pasay City Prosecutor’s Office.
- Latest