DOJ iaapela ang kasong murder vs mga pulis sa Jemboy slay
MANILA, Philippines — Nangako ang Department of Justice (DOJ) na gagawin ang lahat ng paraan na mapatawan ng murder conviction ang mga pulis na sangkot sa pagbaril at pagpatay sa 17-anyos na si Jemboy Baltazar.
Sa isang press briefing kahapon, sinabi ni DOJ Spokesman Mico Clavano na aapela sila sa kaso ni Baltazar sa Court of Appeals (CA), sa tulong ng Office of the Solicitor General.
“Ito ang desisyon ngayon sa tingin ho namin, hindi sapat. Dahil may makakalayang mga pulis subalit may mga nawala sa Baltazar family,” wika ni Clavano.
Idinagdag pa ni Clavano, “Marami po tayong mga nakitang mga areas at arguments doon sa desisyon na pwede na nating i-argue on appeal. Isa na po diyan ‘yung conspiracy, ‘yung isa ‘yung intent to kill, ‘yung reasonableness of the action taken by the police and the reaction that the police had noong medyo patakas si Jemboy.”
Magugunita na noong Agosto 2023, ay kinasuhan ng DOJ ng kasong murder ang mga pulis sa pagpatay kay Baltazar.
Subalit sa desisyon ng Navotas RTC 286, ay convicted sa kasong homicide ang akusadong si Police Staff Sgt. Gerry Maliban na napatunayang ang baril nito ang nakatama kay Baltazar batay na rin sa ballistic report at narekober na slug sa crime scene kaya’t siya ang nahatulan na guilty sa homicide at may kaakibat na pagkakakulong na 4-6 taon.
Habang guilty naman sa illegal discharge of firearms at hinatulang makulong ng apat na buwan sina PEMS Roberto Balais Jr., PSSSgt. Nikko Pines Esquilon, PCpl. Edward Jose Blanco at Patrolman Benedict Mangada. Habang abswelto naman sa kaso si PSSSgt. Antonio Bugayong Jr. dahil hindi umano napatunayang nagpaputok ito ng baril.
Pinili umano ng DOJ na iapela sa Court of Appeals (CA) kaysa magsampa ng motion for reconsideration sa nasabing korte ay para magarantiya na ang lahat ng mga sangkot na pulis kabilang ang isang abswelto ay mapasama kapag muling binuksan ang kaso.
- Latest