28 na patay sa landslide sa Davao de Oro
MANILA, Philippines — Umakyat na sa 28 katao ang nasawi sa naganap na landslide sa Barangay Masara, Maco, Davao de Oro.
Ito ay batay sa pinagsamang mga ulat ng Maco Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Davao de Oro provincial government, Police Regional Office 11, Eastern Mindanao Command ng militar at Bureau of Fire Protection.
Sa inilabas na official report ng MDRRMO, bukod sa death toll na 28, umakyat na rin sa 32 ang bilang ng mga nasugatang indibidwal, habang nasa mahigit 80 katao pa ang nawawala.
Ayon kay PDRRM head Joseph Randy Loy, patuloy ang kanilang gagawing mano-manong paghuhukay sa pag-asang may mga buhay pang indibiduwal at upang agad na madala sa ospital.
Gayunman, nakadepende pa rin aniya ang pag-asang makita ang mga biktima sa lugar bunsod na rin sa kakulangan ng oxygen.
Samantala, nanawagan ang Office of Civil Defense (OCD) sa mga taong napaulat na naghahanap ng ginto sa gumuhong lupa sa Maco, Davao de Oro na huwag munang sumabay sa search, rescue and retrieval operations.
Binigyan diin ni OCD spokesperson Edgar Posadas na mas importante ang paghahanap sa mga nawawalang indibiduwal kaysa sa paghahanap ng ginto. Oras aniya ang kanilang hinahabol para sa mga posibleng survivors at kung may marekober man silang bangkay ay maibalik agad ang mga ito sa kanilang pamilya.
Una nang napaulat na dumagsa ang mga tao sa kalapit na ilog nang mabalitaan na may mga naanod na ginto mula sa bukid.
- Latest