Babaeng suspek sa ‘rent-tangay’ modus, arestado
MANILA, Philippines — Arestado ang isang babae sa Quezon City dahil sa pagkakasangkot umano sa “rent-tangay” modus sa isang entrapment operation sa Barangay UP Campus matapos tangayin umano ang nirentahan niyang sasakyan na pinatutubos umano niya sa halagang P200,000.
Kuwento ng may-ari ng sasakyan, nakatransaksiyon niya online ang suspek noong Enero 10. Rerentahan umano nito ang SUV sa loob ng dalawang araw, pero umabot na ng isang buwan ay hindi pa ito ibinabalik.
“Mga ilang araw, naghihintay kami sa panibagong kontrata para makipagkita pero hindi na po nakikipagkita. Tapos ‘yung GPS po patay na so nagtataka na kami, kinakabahan na rin kami. Tapos hindi mo na makausap nang maayos ‘yung nag-rent,” sabi ng biktima.
Dagdag pa ng biktima, hindi pa nila tapos bayaran sa bangko ang sasakyan na hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan. Dumulog din sa pulisya ang iba pang nabiktima ng suspek.
Sa follow-up operation nabawi ang dalawa pang tinangay na sasakyan sa tulong ng GPS. Naisanla na pala ang mga ito ng suspek.
Ayon sa pulisya, may apat pang kasamahan ang naarestong suspek na nago-operate ang grupo sa Quezon City, Pasay, Cavite at Laguna.
Nasampahan na ang naarestong suspek ng reklamong robbery-extortion.
- Latest