LEDAC, SONA bills ni Marcos, naipasa ng Lower House
MANILA, Philippines — “Kami sa Lower House tapos na ang assignment. Wala kaming back subjects kaya wala ring constitutional crisis. Ewan ko ang Senado na mahilig ang ilang miyembro sa words, words, words kaysa work, work, work na attitude ng aming Speaker. Parang Slower Chamber na sila.”
Ito ang mistulang banat ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa Senado.
Anya, dahil sa “work, work, work” attitude ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, 100% naipasa ng Lower House ang LEDAC at SONA bills ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. Habang mistulang naging Slower Chamber ang Senado na naging abala ang ilang lider sa “words, words, words” kaugnay sa isyu ng pag-amyenda sa Konstitusyon.
“Walang kinalaman si Speaker Martin sa PI (People’s Initiative), taumbayan na iyan. Ang mabuti mag-usap na lang kami ng mahinahon hindi kung anu-anong multo ang nakikita ng mga senador. Wala namang term extension na issue, economic lamang talaga,” dagdag ni Barbers.
Umapela naman sina Manila Rep. Bienvenido Abante at House Minority Leader Marcelino “Nonoy” Libanan sa mga lider ng bansa na huwag gamitin ang dasal para sa ‘political points’ matapos ang kontrobersiyal na panalangin ni Sen. Imee Marcos sa Jesus is Lord Worldwide Prayer and Vision Casting 2024 sa Norzagaray, Bulacan noong Sabado kung saan isinama nito ang isyu ng pag-amyenda sa Konstitusyon sa panalangin.
- Latest