20-anyos inaresto sa ‘sextortion’
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga otoridad sa isang entrapment operation ang 20-anyos na lalaki matapos ireklamo ng “sextortion” ng kanyang naging kliyente sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Kinilala ang suspek na si Ian Patrick Bautista, residente ng No. 436 Francisco St.,Tondo, Maynila matapos na positibong itinuro ng 35-anyos na biktima.
Bago ang entrapment operation, alas-11:20 ng umaga ay unang nagkakilala ang biktima at suspek sa isang Dating Up noong Disyembre 16, 2023 hanggang sa magkapalagayan ng loob at nagkasundo na magkita sa Rosas Inn sa Muñoz, QC.
Lingid sa kaalaman ng biktima, nire-record na siya ng suspek habang hubo’t hubad at doon na nagsimulang manakot at manghingi ng pera.
Dala ng takot, nagbigay ang biktima ng P35,000 sa pamamagitan ng GCash hanggang sa maulit ang panghihingi ng suspek sa bantang ikakalat ang mga larawan nito.
Kaya’t humingi ng tulong ang biktima sa pulisya at isinagawa ang entrapment operation at nakipagkasundo na muling magbibigay ng pera para tuluyan nang burahin ang mga larawan at video.
Ikinasa ang entrapment operation sa harap ng isang condominium sa Bago Bantay at dito naaresto ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Article 294 (Sextortion), Article 286 (Grave Coercion) ng RPC at RA 11313 (Safe Spaces Act) all in relation to Section 6 ng RA 10175 o mas kilalang “Cybercrime Prevention Act of 2012.
- Latest