Vlogger nagpalutang ng destab plot, kinasuhan
Acorda, Brawner idinawit
MANILA, Philippines — Kinasuhan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda, Jr. sa Quezon City Regional Trial Court ang vlogger at dating Army General na umano’y nagpakalat ng fake news at nagdadawit sa kanila sa destabilisasyon laban kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Kasong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code o anti-cybercrime law ang isinampa laban kay Johnny Macanas na dating Army General matapos umano nitong ikalat ang isyu ng walang katotohanan.
Idinawit ni Macanas sina Acorda at Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. sa isyu ng destabilization plot at humihimok kay Pangulong Marcos na bumaba sa puwesto.
Sinabi ni Acorda na hindi tamang kaladkarin ni Macanas ang kanilang pangalan sa isang sensitibong isyu na walang katotohanan.
Aniya, hindi biro ang fake news na ipinakalat ni Macanas at wala itong kapatawaran. Hindi rin ito ang tamang isyu upang magpasikat.
Dagdag pa ni Acorda, sinisikap ng PNP na lumikha ng magandang imahe kaya hindi niya palalampasin ang paninira sa kanya at sa organisasyon.
Samantala, pinuri ni Acorda ang mga accomplishments ng kanyang mga opisyal at tauhan sa buong 2023 at pinayuhan na ipagpatuloy ngayong taon ang nasimulang magandang gawain at kasipagan.
- Latest