Paslit na naoperahan sa puso natulungan ng Malasakit Center ni Sen.Go
MANILA, Philippines — Isang 2-anyos na batang babae sa lalawigan ng Bohol ang natulungan ng Malasakit Center initiative ni Senator Christopher “Bong” Go nang ito ay maisailalim sa operasyon sa puso.
Mismong ang ina ng paslit na si Roselyn Vente, 33, mula sa Tagbilaran City, ang nagbahagi ng kanilang karanasan matapos na ma-diagnosed ang kanyang 2-anyos na anak na si Margaret, na may ventricular septal defect, na isang severe heart condition. “Sobrang hirap po bilang ina po, mga pangangailangan po ng mga anak natin hindi po natin maibigay kasi sa daming gastusin,” ani Roselyn.
Naging malaking tulong naman umano sa kanila ang Malasakit Centers program, na brainchild ni Go, dahil sa pamamagitan nito ay kaagad silang nakakuha ng kinakailangang suporta mula sa pamahalaan at naoperahan ang kanyang anak sa Philippine Heart Center sa Quezon City upang iligtas ang buhay nito.
Ang naturang programa ay isang one-stop shop, kung saan nagsama-sama ang mga kinatawan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), upang makapagbigay ng suporta at tulong pinansiyal sa mga mahihirap na pasyente.
“Malaking pasasalamat ko po kay Senator Bong Go dahil po sa Malasakit Center. Siguro kung wala po ‘yung Malasakit Center, hindi namin alam paano na mangyari kasi sobrang laki po talagang ‘yung kailangan para gamutin si baby,” ani Roselyn.-
Si Go ang principal author at sponsor ng Republic Act No. 11463 o The Malasakit Centers Act of 2019, na bumubuo ng Malasakit Centers program na sa kasalukuyan ay mayroon na umanong 159 sa buong bansa na nakapagkaloob na ito ng tulong sa may 10 milyong Pinoy.
- Latest